Naalala ko ang mga naganap sa aking buhay. Nakakalungkot isipin na marami na palang nagbago sa loob ng napakaikling panahon at nagmistulang ako ay napag-iiwanan na. Hindi ako makasunod sa agos ng panahon. Ako ay huminto at nananatili sa aking kinalalagyan sa mga panahong ito. Ngunit bakit? Ano ang kadahilanan ng aking paghinto? Hindi ko mawari ngunit ginusto at pinili kong huminto upang tingnan ang mga nasa unahan ko habang sila ay “umuunlad” at ang mga nasa likod ko na lubusan nang nalugmok sa kahapon.
Minsan masarap rin palang huminto upang makita ang mga pagbabagong naganap sa mundong ibabaw. Maganda rin na tumigil muna sa pag-inog ang mundo upang makasunod ang mga tao. Ngunit hindi ito dapat habang buhay. Dahil marami pang kailangang harapin bukod sa paghinto at pagtitig na lamang sa mga bagay na patuloy nang nangyayari. Kailangan rin na umalis na sa kinatatayuan at humandang ihakbang ang paa upang umabante at umalis sa pagkakatayo upang hindi tuluyang malugmok at maiwanan ng kahapon.